Ang Alamat ng Bundok Buntis

Sinulat ni JOSE-PEPITO MARQUEZ

ISA SA MGA unang lugar sa Pilipinas na sinakop ng mga Kastila ang Lalawigan ng Cavite. Bukod sa Maynila, ang Lungsod ng Cavite ang pinakaimportanteng daungan ng mga barkong pangkalakal at pandigma na yumayaot mula sa Mehiko.

Isa sa mga barkong pangkalakal--galyeon--na dumaong sa puwerto ng Cavite ang San Andres. Sinasabing ang galyeong ito ay isa lamang sa mga barkong pag-aari ng isang mayamang mangangalakal na nagmula sa isang pamilyang may dugong bughaw at kinikilala sa Lungsod ng Madrid.

Si Don Antero, ang may-ari ng barko ay may kaisa-isang anak na lalake, si Andres. Sinasabing kasabay nang pagsilang kay Andres inulunsad naman at pinangalanan ang barkong San Andres. Matagal kasing naghintay si Don Antero.Halos 40 taon na siya nang ipagbuntis at isilang ng kanyang asawang si Donya Esperanza si Andres.

Pero sa kabila ng kanilang kayamanan at kapangyarihan, lumaki si Andres na magalang, maka-Diyos, at may puso para sa mahihirap. Kapansin-pansin din na ang naging pinakamatalik niyang kaibigan mula pagkabata hanggang sa pagbibinata ay si Diego, ang nag-iisa ring anak ni Tomasa na paboritong kusinera ni Donya Esperanza. Kaya nang mag-aral na si Andres, pinag-aral na rin nina Don Antero at Donya Esperanza si Diego.

Sabay ding natapos sa pag-aaral sina Andres at Diego. Natural lang din na si Diego ang piliin ni Andres na maging abay nang itakda ang kanyang kasal sa kanyang nobyang si Estela. Galing si Estela sa isa ring mayaman at makapangyarihang angkan sa Espana.

Pero ilang araw lamang matapos itakda ang kasal, dinapuan ng misteryosong karamdaman si Donya Esperanza. Nabigo ang mga dalubhasang duktor sa Espana at iba pang bayan sa Europa na pagalingin si Donya Esperanza. Hanggang isang araw, isang prayle galing sa Pilipinas ang bumisita kay Don Antero para magpasalamat. Malaki kasi ang kontribusyong ipinadadala ni Don Antero sa mga misyonerong prayle sa Pilipinas.

Namangha ang prayle nang malaman ang karamdaman ni Donya Esperanza.

"Nakita ko na ang ganitong klase ng sakit sa mga liblib na lugar sa Pilipinas, " wika ng prayle. "Hindi ko inaasahang makikita ito dito sa Espana. Maging sa Pilipinas ay pambihira ang ganitong karamdaman."

"Kung gayon, talagang wala ng pag-asa ang karamdaman ng aking esposa?" malungkot na tanong ni Don Antero.

Matagal na nag-isip ang matandang prayle bago sumagot, "May isang bayan sa Lalawigan ng Cavite, sa Maragondon. Nasa Look ng Maynila ang bayang ito. May isang mangingisda rito na nag-aalaga ng mga halamang dagat. Isang uri ng halamang dagat na inaalagaan ng mangingisdang ito ang maaaring makalunas sa karamdaman ni Donya Esperanza."

"Natitiyak po ba ninyo?" tanong ni Don Antero.

"Nabalitaan ko lamang ito at hindi ko totoong nakita," ang malungkot na sagot ng matandang prayle.

"Handa kong gawin ang lahat para gumaling si Mama," sumagot si Andres na matagal na palang nakikinig sa kanilang pag-uusap. "Kung kailangang pumunta ako sa Pilipinas, o saan mang liblib na dako nito, pupunta ako para lamang maikuha ng lunas si Mama."

Sa kabila nang pagtutol ni Estela at ni Diego na nagkukusang loob na siya na lamang pumunta sa Pilipinas para maghanap ng gamot, nagpilit pa rin si Andres.

Ilang araw lang, tumulak na papuntang Mehiko sina Andres at Diego. Tamang tama lamaang ang pagdating nila sa Mehiko dahil paalis na rin ang barkong San Andres para tumawid ng Dagat Pasipiko patungong Maynila.

Pero sa halip na tuwirang tumungo sa Maynila, dumaan muna sa Puwerto ng Cavite ang San Andres at ibinaba ang magkaibigang Andres at Diego. Isang araw at isang gabi lamang nagpahinga ang magkaibigan. Umarkila sila ng tig-isang kabayo at agad na lumakad patungong Maragondon. .

Inabot ng dilim sa ilang na lugar ang magkaibigan kaya sa halip na maghanap ng bahay na mapapakituluyan ay sumilong na lamang sila sa ilalim ng isang malabay na punong acacia. Dahil sa pagod nakatulog agad ang magkaibigan matapos kumain.

Nagising si Andres sa hapdi ng maliit na sugat na nilikha ng tulis ng punyal na nakatutok sa kanyang lalamunan.

"Huwag kang kikilos ng masama kung ayaw mong gilitan kita ng leeg," marahas na wika sa kanya ng tulisan. Nang hanapin niya ng tingin si Diego, nakita niyang iginagapos na ito ng dalawa pang tulisan. May nakatutok ding punyal sa lalamunan ni Diego.

Iginala niya ang paningin at nakita niya na naliligiran sila ng hindi kukulangin sa sampung bandido na pawang armado.

Piniringan sila sa mata at itinali sa puno ng acacia. Pagkatapos ay walang awang pinahirapan. Gahibla na lamang ang buhay na natitira sa kanila nang tigilan sila ng mga bandido.

"Mag-uumaga na. Kailangang makalayo tayo dito," narinig niyang wika ng pinakapuno ng mga bandido.

"Paano ang dalawang ito," tanong ng isang bandido.

"Isakay ninyo sa bangka ang dalawang iyan. Dalhin ninyo sa laot. Doon ninyo itapon."

Naramdaman ni Antero na kinaladkad siya ng mga tulisan. Isinakay sa isang maliit na bangka. Matagal.. Pagkatapos, inihulog siya tubig. Naramdaman niya ang unti-unti niyang paglubog Ang huling natatandaan niya, biglang may humawak sa kanyang kamay. Hinatak siya paibabaw sa tubig. Narinig niya ang tinig ni Diego, "Hindi kita bibitawan hangga*t may lakas ako.".

Maliwanag ang paligid nang magising si Andres. Binati siya nang nakangiting mukha ng isang anghel.

"Nasa langit na ba ako?" tanong ni Andres.

"Narito ka sa maralita naming kubo," natatawang sagot ng anghel., "Ako si Neneng. Nasagip kayo ng tatay ko habang nakalutang kayo sa lalot. Naikuwento na sa amin ng kaibigan mo ang nangyari.".

"Ang kaibigan ko, si Diego, nasaan siya?"

"Malakas na siya. Nagkamalay agad siya. Sabi ni tatay, Natagpuan niya si Diego na halos wala na ring malay pero hawak pa rin ang kamay mo para hindi ka lumubog. Nawalan lang daw ng malay nang nakasampa na kayo sa bangka."

"Gaano ba ako katagal nawalan ng malay?"

"Halos isang lingo na ngayon."

"Si Diego?"

"Dalawang araw lang."

"Kung hindi sa kanya, patay na ako."

"Si tatay ang mangingisdang tinutukoy ng matandang prayleng nakausap ninyo." nakangiti pa ring wika ni Neneng.

"Nanggagamot ba ang tatay mo?"

"Hindi! Nag-aalaga lang kami ng mga halamang dagat. Iba*t-ibang klase. Karamihan, sa pinakamalalim na bahagi ng dagat lamang nakukuha."

"Bakit naman kayo nag-aalaga ng mga halamang dagat?"

"Inuulam namin. *Yung iba, pinatutuyo, pagkatapos, niluluto at ginagawang kakanin."

"Paano naman nabalita na nakagagamot ng karamdaman ang mga alaga ninyo?"

"Minsan kasi, may kumalat na sakit sa bayan. Maraming namatay," simula ni Neneng. May dumaong daw na bangka ng mga mangangalakal na Tsino. Nahawa ng sakit ang ilan sa tripulante nila. May kasama silang manggagamot. Nabalitaan na nag-aalaga sila ng mga halamang dagat Pumunta ito sa kanila at nanghingi ng isang uri ng halaman na sa malalaim na lugar ng dagat lamang nakukuha. Ito ang ipinanggamot niya. Itinuro din niya kung paano gamitin ang halaman.

"Kinuha lahat ng mga tulisan ang pera at bagahe namin ni Diego," wika ni Andres kay Neneng, "pero kung may mauutusan tayong pumunta sa Maynila, o kahit na sa puwerto lamang ng Cavite, magpapadala ng sapat na pera ang kumpanya maritima ng aking ama."

"Hindi importante ang pera iho," sagot ni Tata Juan na narinig ang sinasabi ni Andres.

"Ang Tatay ko," pakilala ni Neneng sa ama, "siya ang nakakuha sa inyo sa laot."

"Ang importante, iho, magpalakas kang mabuti. Nabanggit na rin sa akin ng kaibigan mo ang pakay ninyo kaya kayo napadpad sa lugar na it. Ipinaghahanda ko na nga kayo ng halmang dagat na kailangna ninyo."

"Napakalaking tulong itong ginagawa ninyo ito sa amin. Buhay ko man marahil ay hindi sapat para ibayad sa inyo."

"Huwag kang mag-isip ng kahit na ano. Ituring mong sariling tahanan itong maralita naming dampa. Ang lahat ng bagay na naririto, ibinigay ng Maykapal sa amin na walang bayad, kaya kailangang ibahagi rin naman namin sa iba na walang bayad."

Maraming tinamong kapansanan sina Andres at Diego. Ilang linggo pa muna ang nakalipas bago tuluyang nakabangon si Andres. Sa tulong ng mag-amang Neneng at Tata Juan ay unti-unting nanumbalik ang lakas ni Andres. Pero habang lumalakas si Andres ay patuloy namang nahuhulog ang kanyang kalooban kay Neneng.

Tuwing takipsilim, magkasama silang naglalakad sa baybay dagat para palakasin ang mga paa ni Andres. Sinasabing ang Look ng Maynila ang may pinakamagandang tanawin nang paglubog ng araw sa buong daigdig, lalo na sa katag-arawan. At dito, sa matulaing Look ng Maynila, sa Liblib na sulok ng malayong bayan ng Maragondon, pinagtagpo ng Tadhana ang Kanluran at Silangan upang isilang ang isang dakilang pag-ibig. Pag-ibig na dinilig ng sariwang hamog sa umaga at pinayabong nang mapagpalang init ng araw na saganang lumulukob sa munting paraisong ito na nilikha mismo ng Maykapal.

Pagkatapos nilang maglakad sa tabing dagat, umaakyat sila sa paborito nilang burol at sa itaas nito, natatanaw nila ang buong kapatagan at ang Look ng Maynila.

"Paano si Estela?" tanong ni Diego kay Andres nang magtapat si Andres sa kanya.

"Maganda, matalino, at galing sa mabuting pamilya, tiyak na may makakikita ng higit pa sa akin si Estela."

"Pero kailangan personal mo siyang kausapin."

"Kaya nga ako mismo ang mag-uuwi ng gamot ni Mama."

"Tayong dalawa."

"Hindi, maiiwan ka. Gusto kong bantayan mo si Neneng habang wala ako. Pagbalik ko, saka ka uuwi sa Espana kung gusto mo."

"Sige, ikaw ang bahala."

"Ipangako mo sa akin, hindi mo pababayaan si Neneng habang wala ako."

"Kung paanong handa kong itaya ang buhay ko para sa iyo, gayon ko rin itataya ang buhay ko para kay Neneng."

Nang sumunod na dapit hapon, sa paborito nilang burol, nagpaalam si Andres kay Neneng.

"Ano man ang mangyari, gumaling man o hindi si mama, babalik ako agad. Ipangako mong hihintayin mo ako."

" Oo, tuwing dapit hapon, paparito ako sa lugar na ito. Dito kita hihintayin."

AGAD NA GUMALING si Donya Esperanza ilang araw lang matapos inumin ang katas ng halamang dagat na dala ni Andres.

"Mabuti naman at patuloy na ang paglakas mo, Mama, makababalik na agad ako sa Pilipinas!"

"Ha? Bakit? Paano ang kasal ninyo ni Estela?" nagugulumihanang tanong ng mama niya.

Napilitang ipagtapat ni Andres ang tungkol sa kanila ni Neneng.

"Mabuti pa, iho, kausapin mo muna ang iyong Papa," nagugulumihanan paring wika ng kanyang ina.

Kinausap ni Andres ang kanyang ama kinagabihan din..

"Hindi ka puwedeng umatras sa kasal ninyo ni Estela?" Mariing wika ng kanyang ama.

"Pero hindi siya ang mahal ko," giit niya.

"Dahil sa pagkakasakit ng iyong mama at dahil sa matagal mong pagkawala, napabayaan ko ang ating negosyo. Huli na nang malaman kong maraming utang ang kumpanya na hindi nababayaran. Ang papa ni Estela ang sumagip sa atin. Alam ito ng lahat ng ating kakilala at kaibigan. Wala akong mukhang ihaharap sa kanila kung tatalikuran mo ang pangako mo kay Estela."

Walang nagawa si Andres. Napilitan siyang paksal kay Estela at hindi na nakabalik sa Pilipinas.

TINUPAD NAMAN ni Neneng ang pangako kay Andres. Tuwing dapit-hapon, pumaparoon siya sa paborito nilang burol. Inaabot nang dilim sa pagtanaw sa Look ng Maynila. Nananalangin na ang bawat barkong dumarating na sana ang barkong sinasakyan ni Andres.

Lumipas ang maraming buwan. Hanggang isang dapithapon, hindi umuwi ng bahay si Neneng. Malalim na ang gabi nang mapansin nina Tata Juan at Diego na wala pa si Neneng. Nagpasiya silang puntahan ito sa burol.

Laking gulat nila nang makita nila ang wala ng buhay na katawan ni Neneng. Natagpuan din nila ang isang sulat galing kay Andres. Binasa nila ang sulat at dito nila nalaman na napilitang magpakasal si Andres sa nobyang si Estela. Sa sulat, paulit-ulit ang paghingi ng tawad ni Andres kay Estela...

"...idadalangin ko na sana, dumating ang panahon, kahit man lamang doon sa pinakatagong bahagi ng iyong puso, ay makakita ako ng puwang para makamit ang iyong patawad..."

Ipinasiya nina Diego at tata Juan na doon na rin sa burol na iyon ilibing si Neneng. Nang inihahanda na nila ang bangkay ni Neneng para ilibing, nadiskubre nila na nagdadalantao ito.

Pagkaraan ng ilang araw matapos nilang ilibing si Neneng, eksaktong siyam na buwan mula nang umalis si Andres, napansin nina Tata Juan at Diego ang biglang paglaki ng umbok ng puntod ni Neneng. Nagpatuloy sa paglaki ang umbok hanggang sa sakupin pati na ang lugar na kinatatayuan ng kanilang kubo. Patuloy itong lumaki sa paglipas ng panahon hanggang sa mabuo ang isang mataas na bundok. Pero sinasabing kung tatanawin ang bundok na ito, lalo na sa dapit-hapon, mapapansin na ang bundok na ito ay kawangis ng umbok ng tiyan ng isang babae kapag nagdadalang-tao.

Sinasabi rin na ang umbok na ito ay nagmula sa umbok ng tiyan ni Neneng na namatay na isang buntis. Nang lumaon, pinangalanan nila ang bundok na ito na "Bundok Buntis." Hindi lamang maalamat ang bundok na ito. Makasaysayan din ito dahil dito sa bundok na ito napatay ang bayaning si Andres Bonifacio na nagtatag ng rebolusyonaryong kilusan ng Katipunan. Sinasabi ring kaya napatay si Bonifacio sa bundok na ito ay dahil sa isang sumpa sanhi ng kataksilan ni Andres kay Neneng.

Sa susunod: Joselinang Baliwag, Ang Bulaklak ng Himagsikan." Maaaring makipagtalastasan sa may akda sa atornipete@hotmail.com.